Dahil lamang sa biruang opisina ay naatasan akong pumunta sa Cebu para sa buwanang pagbibilang. Hindi ko ito hinahangad, ngunit dahil narito na rin ay tinanggap ko na. Madalas ko na ring sinasabi sa aking sarili na tatanggapin ko ano man ang ibigay sa akin dito sa opisinang ito; kung ayaw ko naman ay madali lamang tumanggi. Alam ko rin na mas mahirap papayagin ang karamihan sa mga kasamahan ko na pumunta roon.
Hindi pa ako nakararating ng Cebu. Ang biyaheng ito ang magiging unang beses na mapapadpad ako sa yaong lugar. Kung isasama ang pagpunta ko noon sa Boracay kasama ang ilang kaibigan, ang paglipad na ito ang pangalawa pa lamang na pagkakataon na mapapadpad ako ng Visayas. Masayang isipin ang pagkakaroon ng bagong karanasang katulad nito.
Trabaho pa rin ang ipinunta ko roon. Aalis ako ng Manila sa katapusan ng 12 ng tanghali, at aalis ng Cebu ng 12 ng tanghali ng susunod na araw. Kasama ang paglipad at pagtulog, nasa Cebu lamang ako ng hindi hihigit sa 24 oras. Ito ang paunang mga oras na ibinigay sa aking ng aming manager at kahit maaari ko itong baguhin ay hindi ko na rin ginawa. Kahit marami na ang nagsabi na dapat ay pinabago ko ang mga oras para magkaroon ako ng oras sa paglilibot, para sa akin ay akma na rin na wala akong masyadong maraming oras na gugugulin doon. Nangangamba ako na kahit damihan ko ang oras ko roon ay wala rin akong malibot, bagkus ay magtrabaho lamang ng mas mahabang panahon.
Sa susunod na lamang ako maglilibot sa Cebu, kapag hindi na trabaho ang sadya ko roon.
Saturday, August 29, 2009
Wednesday, August 26, 2009
Home
Makalipas ang tatlong taong pagsasarili, muling nagbalik sa aming tahanan ang aking nakatatandang kapatid. Marapat nang hindi ungkatin ang siyang dahilan ng kaniyang paglisan sapagkat ito'y akmang ibaon na lamang sa limot.

Pinaghandaan ng aming ina ang napipintong pagbabalik na ito: ipinagawa niya ang ilang silid sa aming bahay, kasama ang aking lumang silid. Sa pagbabalik ng aking kapatid, kaakibat nito ang aking pagbalik sa lumang silid na ito.
Hindi ko ipagkakaila, marami akong gamit. Mapalad ako at may kakayanan akong bumili ng ilang luho, ngunit ang mga luhong ito ang siyang nagpapahirap sa akin sa aking paglisan sa silid na akin na ring nakasanayan. Salamat na lamang at nakakuha ang aming ina ng ilang tauhan upang tumulong sa aming paglilipat, kasama na rin ang paglilinis at pagbubuhat ng ilang kagamitan.

Nakapapagod ang paglilipat, lalong lalo na ang pag-imis ng mga gamit. Maselan ako sa aking gamit at sa ayos nito. Hindi ko ipagkakatiwala sa ibang tao ang pag-aayos nito, siyang dahilan ng aking matagal na pagkawala sa sapot ng blogosperyo (hindi lamang ito ang sanhi ng aking pagkawala, ngunit sa ibang talata na lamang ang pagkukuwento tungkol dito). Hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos ang aking pag-aayos sa aking silid. Marami pa rin akong mga gamit na hindi nahahanapan ng akmang lugar sa aking bagong silid.

Masukal man ang aking lugar sa ngayon, ang mahalaga ay tapos na rin ang paglilipat, at mas lalong mahalaga ay nagbalik na ang aking kuya. Hindi na alintana na hiniram niya ang aking laptop kaya't hindi ako makapag-libot sa sapot ng ilang araw.
Madalas man kaming hindi magkasundo, at noon ay parating nag-aaway, ako ay masaya pa rin sa kaniyang pagbabalik.
Subscribe to:
Posts (Atom)